Sinagot ni Rovelyn Baterbonia sa programa ni Boy Abunda ang tungkol sa mga paratang laban sa kanya ng mga netizens na pinagkikitaan raw niya ang kanyang yumaong anak na si Rene. Aniya : “hindi ko pineperahan ‘yung anak ko”.
Sa gitna ng maraming paratang kay Rovelyn, inamin nito na wala siyang hinihinging pera mula kaninuman, ang tanging gusto lang niya ay malaman ang katotohanan sa sinapit ng kanyang anak.
Kung ating babalikan, si Rene ay dating basketball player ng Ateneo de Davao University at Ateneo de Manila University. Nalunod at pumanaw ang atleta noong June 2026 sa Hermanos Leisure Farm and Surf Camp sa Dipaculao, Aurora.
Rovelyn, walang sama ng loob sa mga bashers.
Hindi lingid sa marami na kaliwa’t-kanan ang mga batikos na natatanggap ni Rovelyn sa social media, gayunpaman mas nagkaroon raw siya ng lakas para mas lalong ipaglaban ang katotohanan para sa kanyang anak.
Ani Rovelyn : “Yung mga basher ko, thank you kasi kayo yung nagpapabigay sa akin ng lakas. Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nagsusuporta, yung nagbibigay ng damit ko, pants ko, relo ko at saka bracelet ko. Lahat ito ibinigay sa akin, maraming salamat po.”
Dagdag pa niya : “And then sa lahat ng nagpadala ng condolences at pagmamahal sa amin.. maraming-maraming salamat po sa inyo.”
Mga paratang tungkol sa pera.
Nilinaw ni Rovelyn na hindi niya nagawang gamitin ang kanilang sitwasyon ngayon para makakuha ng pera kahit kanino. Ayon sa kanya na ang negosyo na pinagkaka-abalahan niya sa ngayon ay ang business na iniwan ni Rene noong buhay pa ang anak.
Aniya : “Sa totoo lang, hindi ko pineperahan yung anak ko.. Yung pagkamatay ng anak ko kasi kahit ni piso, hindi po ako nanghingi sa kahit sinong tao. Tapos, nung buhay pa po yung anak ko, ‘yun na po yung iniwan sa akin na negosyo.”
Dagdag pa niya : “Siya yung nakaisip na magbenta kami ng mga memorable [memorabilia] niya kasi marami daw ang nanghihingi sa kanya. Paano daw kaya kung i-try namin magbenta ng mga memorable, kaya ayun.. nag-umpisa kami.”
Rovelyn, nakaharap na si Tab Baldwin.
Patuloy parin na gumugulong ang kasong isinampa ni Rovelyn sa DOJ o Department Of Justice para malaman niya ang katotohanan sa pagkamatay ng kanyang anak.
October 1, naganap ang 4th hearing tungkol sa kaso. Dito nakita ni Rovelyn ang former Ateneo Blue Eagles coach na si Tab Baldwin at ang iba pang mga akusado kaugnay ng pagkamatay ni Rene.
Ani Rovelyn : “Gusto ko lang talagang malaman kung anong dahilan ba’t namatay ang anak ko Willing po ako makinig sa kuwento nila, pero iparaan na lang sa abogado po. Iparaan na lang po sa batas kasi yun naman po ang kailangan gawin. Tao din lang tayo. Nung una siguro nagalit ako, pero ngayon, ipadaan ko na lang po sa batas.”
Dagdag pa niya : “Hindi po ako nagagalit. Hindi rin po ako nagtatampo. Ipaadaan ko na lang talaga sa batas, lahat-lahat. Matalo man ako o manalo, marinig ko lang kung anong katotohanan ng pagkamatay ng anak ko, yun lang naman talaga ang gusto kong malaman.”




