Kampo ni Samantha, nagsalita sa issue nila Rhian at Michelle.

Naglabas ng pahayag ang kampo ng beauty queen na si Samantha Panlilio tungkol sa viral issue.
Ayon sa mga abogado ni Samantha Panlilio, gawa-gawa lang raw ng driver na si Bonifacio Baro ang mga bintang o issue niya sa beauty queen.
Kung ating babalikan, nadawit ang pangalan ni Samantha matapos siyang idamay ni Baro, ang driver at PA o personal assistant ng aktres na si Rhian Ramos.
Inakusahan sina Samantha, Rhian at Michelle ni Baro nang pambubogbog at pag-ditena sa kanya sa isang 39th floor na condo unit sa Makati City noong January 17.
Sumbong ni Baro sa NBI : “Galing kami sa taping… Pag-uwi ko po ng alas tres ng madaling araw, kami ni [Rhian]… Pagbaba ko po ng gamit, bigla akong hinawakan at binugbog ako sa loob… Nagmama-kaawa po ako, at binubugbog pa rin nila ako.”
Kinabukasan raw ng January 18, binalak niyang wakasan na ang kanyang buhay at tumalon mula sa 39th floor, ngunit sumabit umano siya sa isang kable ng kuryente dahilan upang mahulog siya sa 25th floor ng gusali.
Mula sa 25th floor, dali-dali raw siyang pumunta sa lobby ng condominium ngunit naharang siya ng mga body guards ni Rhian at agad na binalik sa 39th floor.
Dagdag pa niya : “Ilang beses akong tumumba sa upuan, pero kahit anong makaawa ko wala na ako sa kanila. Tapos noong umalis si ma’am [Rhian] may pinuntahan siya, tuloy-tuloy pa rin akong binugbog ng mga bodyguard niya. Mga kasama ko sa trabaho yan sila, hindi po sila naawa sakin.”
Dahil sa pagka-dawit ni Samantha, naglabas ng opisyal na statement ang kanyang mga abogado na sina Atty. Buenaventura Miranda at Atty. Carl Jon Mucho para linisin ang pangalan ng beauty queen.
Bungad nila : “Our client has not read the Complaint yet but she is confident that, after due investigation, it will be dismissed for being a pure fabrication. Records of the Makati City Police would show that Mr. Bonifacio Baro was earlier arrested on Jan 19, 2026 for Qualified Theft charges and was detained until Jan 22, 2026.”
Dagdag nila : “While the charges were dismissed without prejudice, the same had been refiled. Our client will coordinate with the relevant authorities to clear her name.”
Bago dumulog si Bonifacio Tibayan Baro sa tanggapan ng NBI, una nang nag-sumite si Michelle Dee ng reklamong paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code o ‘qualified theft’ laban sa driver at PA ni Rhian Ramos.
Natuklasan kasi ni Michelle na may kinuhang ‘Angpao’ si Baro sa condo unit nila ni Rhian na naglalaman ng mga ‘sensitive images’, ang misis raw mismo ng driver ang nagsumbong sa dalaga.






