Angelo Teves’ family seeks justice after stabbing incident

Quezon City, Philippines – Hustisya ang panawagan ng pamilya ng child actor na si Angelo Teves matapos itong sinaksak ng walong beses sa Barangay Payatas, QC noong October 12.
Si Angelo ay 13 years old habang ang suspek na sumaksak sa kanya ay may edad na 15 years old na mismong kabarkada ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng QCPD, nangyari ang pananaksak habang naglalaro si Angelo malapit sa Golden Shower Basketball Court 4:30 ng hapon, October 12.
Agad naman na naaresto ang 15 years old na suspek bandang 6:59 ng gabi, October 12.
Sinampahan na ng kasong frustrated murder ang suspek. Sa walong saksak ni Angelo, may malalalim na sugat ang child actor sa kanyang tiyan, likod at kaliwang braso.
Dahil menor de edad ang suspek, sa kasalukuyan ay nasa ilalim, pangangalaga o kustodiya ito ng Molave Youth Home.
Isinugod naman sa ICU ng ospital si Angelo at sa kasalukuyan ay nagkamalay na raw ito. Nanawagan naman ang kanyang pamilya ng hustisya at sana raw ay managot ang suspek kahit ito ay menor de edad.
Ani ng kuya ni Angelo : “Sa totoo lang po, hindi naging madali sa amin na sampahan ng kaso na frustrated murder ang suspek kasi 15 years old. Dinala lang siya sa [youth center] para dun po muna for temporary shelter. Pero sa akin po, hindi sapat na nakulong lang siya. Gusto ko po na magbayad siya sa ginawa niya sa kapatid ko. Hindi ko po alam kung paano ko ito kakayanin kasi yung kapatid ko na lang po talaga ang meron ako.”
Dagdag pa niya : “Gusto ko pong magkaroon ng hustisya ang ginawa sa kapatid ko. Yung suspek, nandoon lang sa [youth center], inaalagaan. Samantalang yung kapatid ko, habambuhay niyang dadalhin yung mga saksak sa katawan niya. Yung mga peklat, yung trauma. At artista po ang kapatid ko so magkakaroon na siya ng record na ‘batang Adamus, aktor na Angelo Teves, nasaksak sa Payatas’.”
