Nilinaw ng kasalukuyang senador na si Robin Padilla o may Muslim name na Abdul Aziz na hindi raw para sa kanya ang politika.
Usap-usapan ang naging panayam ni Robin noong September 19 sa pamamagitan ng isang livestream sa social media, aniya na napag-desisyunan na nila ni Mariel Rodriguez-Padilla ang magpakalayo-layo at manirahan nalang sa isang Islamic country.
Pagbabahagi ni Robin : “Final na po iyon. Napag-desisyunan na po namin ‘yan ng asawa ko. Tutuloy na lang po namin ‘yong aming plano na mag-migrate sa isang Islamic country para mapalaki namin ‘yong anak namin sa isang Islamikong pamamaraan.”
Tila pagkumpirma na rin ito ni Padilla na hindi na siya tatakbo sa kahit na anong posisyon sa darating na halalan 2028 dahil tatapusin nalang raw niya ang kanyang termino bilang senador.
Paglilinaw ni Robin : “Hindi ako bagay sa politika. Hindi ako bagay dito. Iba ang takbo ng politika ng Pilipinas, eh. Hindi siya para sa akin. Ako po ay talagang rebolusyonaryo talaga, paninindigan ko na lang po iyon hanggang sa mamatay ako. Kaysa pinilit kong kainin ang pagiging politiko.”
Dagdag pa niya : “Ang aayusin lang po namin talaga ‘yong sitwasyon namin. Kasi naantala lang naman, iyan talaga ang plano namin. Naantala lang dahil pinaki-usapan ako ng aking Tatay Digong na tumakbo bilang senador para makatulong sa bayan. Pero hindi po ganoon ang direksyon kasi ng politika.”
Para kay Robin, kahit wala siyang posisyon sa gobyerno ay madali lang naman siyang makakabalik sa showbiz dahil hindi naman ito nawawala.
Ibinahagi rin nito ang mga Islamic na bansang balak nilang lipatan gaya nalang sa Brunei, Malaysia o alin man sa Scandinavian countries.



