Tindera na si Paloma Jovillanos, binaril habang naka FB live.

Walang-awang binaril ng isang gunman si Paloma Jovillanos 23, sa Taytay, Rizal.

Viral at usap-usapan si Paloma Jovillanos na isang tindera ng gulay matapos siyang barilin habang naka-Facebook live.

January 16 ng gabi, habang naka-live si Paloma, tila may isang lalaking naka-mask ang uma-aligid hanggang sa nilapitan na siya nito at agad na binaril mula sa kanyang likuran.

Tinamaan ang biktima sa ulo dahilan upang agad na bumagsak ang kanyang katawan mula sa kanyang kinatatayuan. Malaking tulong naman ang pag-live ni Paloma upang mahagip ang mukha ng suspek.

Ayon sa imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station [Taytay MPS], nangyari ang insidente sa mismong tindahan na pinapasukan ng biktima sa Blk. 4, Purok 4, Kenneth Road sa Barangay Sta. Ana, Taytay.

Paloma Jovillanos was shot while on Facebook live in Taytay, Rizal
Paloma Jovillanos’s Facebook live

Ani ng Taytay MPS : “Ang motibo nito ay parang inggit at galit na rin. Base sa impormasyon ng dating kinakasama, nagkaroon si suspek ng mga relasyon kung saan itong biktima ang taga-sumbong sa ate niya.”

Dagdag nila : “Si suspek at ‘yong kaniyang kinakasama ay naghiwalay at naghati sila ng kanilang property, pero sa ngayon si biktima na ang nagma-manage ng kalakhan ng kanilang negosyo.”

Ayon sa katrabaho ng biktima na si Sam Reloquio, nagulat na lang siya matapos niyang marinig ang isang putok ng baril. Nakita na lang nila na naka-handusay na si Paloma sa kalsada.

Ani Sam : “Narinig ko ‘yong pumutok. Akala ko gulong lang na pumutok. Nagtakbuhan na kami dito tapos nakabulagta na si ate. Mabait po ‘yon. Palabiro.”

Dagdag pa niya : “Nag-abang na kami ng tricycle diyan pero wala talagang masakyan kasi natatakot din ‘yong iba. Nagulat ako sir, parang natulala nga din ako noong nakita kong duguan siya.”

Sa tulong ng Facebook live ni Paloma, dito na nahagip ang mukha ng gunman, ayon sa mga saksi na agad tumakbo ang suspek papalayo patungo sa Purok 4, Lupang Arenda, Taytay.

Ani ng Brgy. staff : “Binaybay ‘yong Purok 4 papunta sa secondary road, at doon sa secondary road, as per sa impormasyon na nakuha namin, may naghihintay na nakamotor. Parang dalawa sila.”

Dahil sa agad-agad na imbestigasyon ng mga pulisya, nakilala at naaresto ang suspek na kinilalang si Freddie Pagal na kasalukuyang nasa kustudiya na ng mga pulisya.

Depensa pa ng suspek na noong oras na binaril ang biktima ay nasa Angono Rizal raw siya at hindi niya magagawang barilin raw si Paloma.

Ani Freddie : “Anak ko na po ‘yon. Tinuring ko na pong anak ‘yon. Nasa Angono po ako niyan. Matagal na po akong hindi umuuwi doon. May magpapatunay na nasa bahay po ako.”

Agad na isinugod si Paloma sa Pasig City General Hospital matapos ang insidente at kasalukuyan na nakikipag-laban para sa kanyang buhay.