Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, ibabalik sa Pilipinas?

Posibleng maharap sa kasong kriminal at muling ipabalik sa Pilipinas ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy.
Matapos aminin ni Vitaly Zdorovetskiy sa isang live stream na umano’y nagbigay siya ng pera sa ilang jail personnel upang maka-gamit ng cellphone at iba pang gadget habang siya ay naka-kulong sa bansa.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, seryoso ang naturang alegasyon at maaaring mauwi sa kasong panunuhol kung mapatutunayang may naganap na ilegal na transaksyon sa loob ng kulungan.
Dagdag pa ni Remulla, kahit pa na-deport na si Vitaly, hindi ito nanganga-hulugang lusot na siya sa pananagutan kung may sapat na ebidensya laban sa kanya.
Nag-ugat ang isyu matapos mag-live stream si Vitaly at iginiit na nagawa niyang mag-vlog sa loob ng detention facility dahil umano sa pagbibigay niya ng pera sa isang jail guard.
Sinabi rin ng vlogger na handa siyang ilantad ang mga katiwalian [corruption] sa loob ng kulungan, pahayag nito na agad umani ng atensyon at kontrobersiya online.
Bago ang naturang live stream, nag-post din si Vitaly ng ilang larawan at video na aniya’y kuha habang siya ay nakakulong sa Pilipinas.

Dahil dito, agad na naglabas ng pahayag ang Bureau of Jail Management and Penology [BJMP] at nilinaw na hindi sa alinman sa kanilang mga pasilidad kuha ang mga naturang larawan at video.
Giit ng BJMP, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng gadget sa loob ng mga kulungan at walang sinumang detainee ang binibigyan ng ganitong pribilehiyo.
Samantala, kinumpirma ni Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Villado na nagsagawa na sila ng imbestigasyon habang nasa kustodiya pa ng Bureau of Immigration si Vitaly.
Ayon sa kanya, may mga cellphone na nakumpiska sa detention facility at matagal nang tinanggal sa serbisyo ang mga tauhang sangkot sa insidente.
Binigyang-diin din ng mga awtoridad na patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matukoy kung may pananagutan talaga ang vlogger at kung kinakailangan siyang pabalikin sa bansa upang humarap sa kaso.
Kasabay nito, pinapaalalahanan ang publiko na maging maingat sa paniniwala sa mga pahayag sa social media, lalo na kung wala pang malinaw at opisyal na resulta ng imbestigasyon.
Sa ngayon, patuloy na sinusuri ng pamahalaan ang mga susunod na hakbang kaugnay ng isyu. Naninindigan ang mga awtoridad na mananagot ang sinumang mapatu-tunayang sangkot sa katiwalian—dayuhan man o kawani ng gobyerno—alinsunod sa umiiral na batas ng bansa.






