Nilinaw ng kapuso comedy genius na si Michael V na gagawin nila ang Sarah Discaya parody sa Bubble Gang para hindi manira ng tao.
Ayon kasi kay Bitoy, ang pag-impersonate niya kay Mrs. Discaya ay para lamang magpasaya o maghatid ng entertainment sa mga tao. Noong una pa lang na makita ng komedyante si Discaya sa senate hearing ay tila napansin na nito ang kanilang pagkakahawig.
Aminado rin si Michael V na sa una ay nagdadalawang isip pa siya na ma-push ang bago niyang karakter na si ‘Ciala Dismaya’ dahil umano sa ingay sa social media.
Ani Bitoy : “Actually una ko [talagang] napansin kaagad ‘yan sa Senate hearing. Ako mismo napansin ko na. Parang kamukha ko siya [si Sarah Discaya]. Parang konting effort na lang magagaya ko na siya,
“Hindi ko muna inisip na gayahin right away. Pero dahil sa dami ng messages na nagpa-flood sa feed ko, binato ko na agad sa creative team ng Bubble Gang. And they had the same idea rin pala,” pahayag ng komedyante.

Nilinaw naman ni Bitoy na medyo hindi mabigat ang mga eksena na mapapanood bukas sa Bubble Gang na panggagaya nito kay Discaya dahil alam naman ng lahat na malaking issue ito na pinag-uusapan talaga ng buong bansa.
Dagdag ni Bitoy : “Kung ano ‘yung issue sa Senado, ‘yun din ang issue na tinackle namin [sa show]. Pero as usual with the Bubble Gang formula, kailangan ilihis mo ng konti [sa issue] at humorous [nakakatawa] siya,
“Ang attempt namin ay hindi para manira ng tao kundi para mag-patawa ng mga tao,” paglilinaw ni Michael V.
Hindi lingid sa marami na tila napansin ng mga netizens ang malaking pagkakahawig sa looks nina Michael V at Sarah Discaya habang nasa senado ang kontratista.
Dito na nanawagan ang mga tagasubaybay ng kapuso longest gag show na Bubble Gang na sana raw ay gawan ni Bitoy ng parody si Discaya sa naturang show.
Agad naman na pinagbigyan ng komedyante ang kanyang mga fans at ginawa talaga nila ang parody na ito at tinawag siyang si ‘Ciala Dismaya’, kuhang-kuha rin ni Bitoy ang nunal, hairstyle at outfit ni Sarah sa teaser na kanilang inilabas.
Dito na naglabas ng pahayag ang abogado ng mga Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III at nilinaw nito na walang problema para kay Sarah ang parody na ito ni Michael V sa Bubble Gang.
Ani Atty. Samaniego : “Hindi po. Okay lang sa kanya [kay Sarah]. Alam mo naman si Sir Bitoy, talaga namang idol ko nga ‘yan,
“Nirerespeto natin si Michael V. Idol natin iyan sa Bubble Gang [at] trabaho niya ‘yan. Parang ako, abogado, trabaho ko ito. Si Sir Michael, trabaho niya ‘yun. Doon siya kilala. So, bakit tayo magagalit?” dagdag ng abogado.