Nagsalita na ang Mayor ng Bulusan, Sorsogon matapos tawagin ni Vice Ganda na bulok ang kanilang paaralan.
Naglabas ng pahayag ang kasalukuyang Mayor ng Bulusan, Sorsogon na si Wennie Raffalo Romano tungkol sa naging komento ni Vice Ganda.
Wika ni Mayor Wennie na malaki ang pasasalamat ng LGU ng Bulusan kay Vice dahil sa malasakit na ipinakita nito para sa kanilang paaralan ngunit ang pagtawag nitong ‘bulok’ ay nagdulot umano ng kahihiyan sa kanila.
Kung ating babalikan, naging usap-usapan online ang isang paaralan sa probinsya ni Heart Evangelista matapos itong tawagin na bulok ni Vice.
Sa segment kasi ng It’s Showtime na ‘Laro Laro Pick’ noong Oct. 24, dito na ibinahagi ng komedyante na maraming paaralan sa ating bansa ang walang maayos na mga classrooms.
Nanlumo raw at nasaktan si Vice matapos niyang makita ang kalagayan ng isang paaralan sa probinsya ni Heart Evangelista sa Sorsogon, paano kasi matututo ang mga estudyante kung walang reading materials ang naturang school?
Ani Vice : “May pinuntahan na akong lugar doon sa probinsiya nila Heart Evangelista. Isang paaralan na walang reading materials. Pinagawa ko yung eskuwelahan at nagpadala ako ng tulong doon kasi walang reading materials. Bulok yung paaralan doon sa lugar nila Heart Evangelista. I cried so much when I saw that school.”
Ang paaralan na tinutukoy ni Vice ay ang Bagacay Elementary School sa Bulusan, Sorsogon.

Ayon kay Mayor Wennie : “Nagpapasalamat po ang LGU Bulusan sa ipinakitang malasakit ni Vice Ganda, ngunit ang paraan ng pagsasamadla ng kanyang donasyon na may komentong ‘bulok na paaralan at walang reading materials’ ay nagdulot ng kahihiyan sa Bagacay Elementary School, sa bayan ng Bulusan at sa Department of Education.”
“Nais ko pong bigyang-diin na wala pong kinalaman si Ms. Heart Evangelista-Escudero sa isyung ito,” bahagi ng pahayag ni Mayor Wennie.
Tulong ni Vice Ganda sa Bagacay Elementary School.
Binisita ni Vice ang paaralan noong Sept. 26 2023, nagbigay ng P50,000 na tulong ang komedyante noong Dec. 2023 at nasundan ng mga donasyon na nagkakahalaga ng P17,360 at ito ay may kabuuan na P67,360.
Ang pera na ibinigay ni Vice ay para sa pagpapaayos ng mga bintana, pinto, classroom repairs, tiles para sa isang cr at pambayad ng mga internet bills.
Nilinaw rin ni Mayor Wennie na bago pa man nagpadala ng tulong si Vice ay mayroon na silang mga reading materials kahit papaano.
Wika niya : “Ang reading kiosk na handugan ni Vice Ganda ng karagdagang reading materials ay initiative po ng mga magulang para may pook pahingahan din ang mga bata at at makapagbasa sa kanilang bakanteng oras.
“Nabalewala ang lahat ng pagsusumikap ng mga guro at pamunuan, mga magulang at mag-aaral, lokal na liders at ng Kagawaran ng Edukasyon at iba pang stakeholders para mabigyan ng kaaya-ayang paaralan ang mga kabataan na angkop sa kakayahan ng komunidad,” bahagi ng pahayag ni Wennie.
Hindi lingid sa marami na talagang likas na matulungin si Vice lalo na kung ang usapin ay tungkol sa akademya, naniniwala kasi ang komedyante na malaking bagay sa isang tao ang makapag-tapos ng kanyang pag-aaral.
Kung tutuusin, maraming scholars si Vice na pinapa-aral sa kasalukuyan, hindi na rin mabilang sa kanila ang nakapagtapos at gumanda na ang mga buhay.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa naglalabas ng kanyang opisyal na pahayag si Vice Ganda tungkol sa isyu.

