Jonvic Remulla, nag-sorry sa ‘topless’ na naghahalo ng semento.

Bakit nag-sorry si DILG Secretary Jonvic Remulla?

Ipina-abot ni Jonvic Remulla ang kanyang sorry sa lalaking hinuli na naka-hubad sa Mandaluyong City kamakailan habang naghahalo ng semento.

Naging usap-usapan sa social media ang isang Ginang na naglalabas ng kanyang sama ng loob matapos hulihin ang kanyang asawa habang naghahalo lang ng semento.

Kung ating babalikan, ipinatupad ng DILG o Department of the Interior and Local Government ang ‘Safer Cities Initiative’ kamakailan na nagbabawal sa naka-topless sa kalye, inuman at late night videoke.

Ani Remulla : “Bawal na ang mag-inom sa kalye. Bawal na ang maglatag ng mga silya at mga lamesa sa mga kalye at mag-inuman. Doon na nanggagaling number one ang away, number two ang sexual harassment.”

Dagdag pa niya : “Pag kayo mag-inuman sa kalye, huhulihin namin kayo. ‘Pag nasa loob kayo, walang problema. Pero sa labas, sa kalye, public spaces, bawal na ang inuman.”

Samantala, agad na pinag-usapan ang lalaking naka ‘topless’ sa Addition Hills, Mandaluyong City matapos itong mapasama sa hinuli at na-tiketan dahil ito ay nakahubad habang naghahalo ng buhangin at semento sa tapat ng kanyang bahay.

Agad naman humingi ng paumanhin si Remulla kay topless man dahil sa nangyari.

Ani Remulla : “Ako po’y humihingi ng paumanhin at pupuntahan ko po siya sa mga susunod na araw. Sasabihin ko na ako na po ang hihingi ng paumanhin. It was my fault that I did not give clearer instructions on how to do the Safer Cities Initiative. Nagkulang po ako doon.”

Dagdag pa niya : “Mali po ‘yun, nagkamali po kami roon, and I take full responsibility.”