Eula Bautista, hinimatay sa TiktoClock.

Biglang hinimatay si Eula Bautista habang kumakanta sa TiktoClock.

Nagulat ang mga manonood ng TiktoClock dahil biglang hinimatay si Eula Bautista habang nasa kalagitnaan ng kanyang performance.

Nangyari ang insidente ngayong araw March 10, sa segment na Tanghalan ng Kampeon : Back-to-Back Tapatan, kung saan nakaharap niya bilang challenger si Princess Palti.

Habang kumakanta si Eula, bigla siyang bumagsak sa stage at agad na nawalan ng malay. Agad naman na pinutol ng programa ang live segment at nag-commercial break muna upang mabigyan ng agarang medical attention si Eula.

Kinumpirma rin ng host na si Kim Atienza na si Eula ay kasalukuyang nasa ilalim ng medical observation upang masigurong maayos ang kanyang kalagayan.

Ani Kim : “Nagkaroon po ng emergency dito sa studio.. hinimatay ang kampeon na si Eula Bautista, kinailangan natin na mag-commercial break para matugunan ng ating medical personnel si Eula.”

Dagdag pa nito : “Sa ngayon, kasalukuyan po na ino-obserbahan ng ating medical team ang kalagayan ni Eula, kung ano ang magiging desisyon ng ating mga inampalan kung makakapag-patuloy pa si Eula sa laban.. aalamin natin ‘yan bukas..”

Kung ating babalikan, noong March 9 ay opisyal na nakuha ni Eula ang kanyang puwesto sa Grand Finals matapos makamit ang kanyang ika-pitong sunod na panalo sa kompetisyon.

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung makaka-balik siya agad sa kompetisyon habang hinihintay ang desisyon ng mga hurado at ang kanyang tuluyang pag-galing.

Hinihintay naman ng publiko ang mga susunod na update mula sa TiktoClock at sa production team ng Tanghalan ng Kampeon tungkol sa kalagayan ni Eula at sa magiging status niya sa nalalapit na Grand Finals.