Ellen Adarna, naglabas ng “resibo” laban kay Derek Ramsay.

Kumpirmadong hiwalay na ang celebrity couple na sina Ellen Adarna at Derek Ramsay.

Ito’y matapos maglabas si Ellen ng umano’y “resibo” ng pagtataksil ni Derek ngayong Lunes, November 17.

Sa kanyang IG Stories, ibinahagi ni Ellen ang ilang screenshot ng pag-uusap ni Derek at ng umano’y matagal na nitong babae.

Ayon kay Ellen, tatlong linggo na ang nakalipas mula nang malaman niya ang tungkol sa mga screenshots.

Sa isang screenshot, makikita ang tila pangungulit ni Derek sa naturang babae. 

Nabanggit din sa usapan ang isang coach, na posibleng fitness coach, at tila pareho silang pumupunta sa iisang gym.

Sa isa pang screenshot, makikita namang nagkukuwento ang babae sa kanyang kaibigan na lagi raw siyang mine-message ni Derek.

Tanong pa nito kung bakit patuloy siyang kinukulit ng aktor kung may “Ellen” naman na ito.

Ani ng babae : “Kainis. Kelangan ko ba mag-reply sa lahat ng messages niya? Tapos he literally messages me everywhere — IG, WhatsApp, and text — if I’m avoiding him.”

Dagdag pa niya : “Parang puro excuse na lang siya always. Kaya ayoko na kausap. I don’t get why we have to keep talking pa if may Ellen na siya.”

Samantala, malaking tanong ngayon ng marami kung sino ang babaeng kausap ni Derek sa mga screenshots.

Ayon kay Ellen, gusto man niyang ibunyag ang pagkakakilanlan nito ay hindi niya maaaring gawin dahil maaaring magkaroon siya ng legal na problema, ayon sa payo ng kanyang abogado.

Nilinaw rin ni Ellen na hindi ex-girlfriend ni Derek ang babae, kundi “side chick” umano.

Aniya : “To clarify, she is not an ex-girlfriend. I think she’s a side-chick. Kawawa naman yung mga ex-girlfriend niya, wala silang kinalaman. I know this girl has always been there. They’ve been friends for decades.”

Samantala, marami namang netizens ang hindi na raw nagulat sa umano’y panloloko ni Derek, dahil kung pagbabasehan ang mga nakaraang relasyon nito, matagal na raw itong may reputasyon bilang babaero.

Kaya tanong ng ilan : “bakit pa raw nagpakasal si Ellen kung alam na niya ang past ng aktor?”

Kung ating babalikan, naglabas ng pahayag si Ellen Adarna tungkol sa pa-blind item ng pambansang marites na si Xian Gaza tungkol sa kanila ni Derek Ramsay.

Ayon kasi kay Xian, matagal ng hiwalay sina Ellen at Derek at ang pinoproblema ni Gaza ay kung paano na ang hatian ng yaman nilang dalawa dahil wala raw prenup noong sila ay kinasal.

Matatandaang ikinasal sina Ellen at Derek noong November 11, 2021 matapos lamang ang ilang buwang relasyon.

Isinilang naman ni Ellen ang kanilang anak na si Lili noong October 2024.