Elias TV, emosyonal na nag-kwento sa Toni Talks.

Emosyonal ang reggae musician na si Elias TV sa Toni Talks.
Viral online ang latest interview ni Elias Lintucan Jr. o mas kilalang Elias TV sa programa na Toni Gonzaga na Toni Talks.
Sa naturang panayam, dito na ibinahagi ni Elias ang kanyang childhood stories kung saan nai-kwento niya ang mga paghihirap na pinagdaanan niya at ng kanyang pamilya bago ang kanyang pagsikat.
Sinimulan ni Elias ang pagkwekwento noong nag-aaral pa siya, aniya na sa tuwing lunch o break time ay hindi siya nakakakain dahil sa hirap ng buhay, minsan ang tanging pagkain na dala lang niya ay kaning mais at asin.
Pagbabahagi ni Elias : “Ano eh, ako lang yung walang recess eh. Walang recess. Tapos kapag mag-recess na, lahat ng mga classmates ko kumakain. Ako lang ‘yung hindi, tapos pag tanghalian na po, hindi po ako sasama sa kanilang kumain. Kasi sila yung masarap na may ulam eh.”
Dagdag niya : “Sa akin, mais lang po eh.. tapos asin yung ulam [ko]. Kaya kapag may puno din akong makita, doon ako aakyat. doon ako kakain sa taas para hindi nila makita yung kanin ko at saka yung ulam ko.”
Kasunod nito ay naibahagi ni Elias ang hirap ng kanyang pamilya habang siya ay lumalaki sa Magpet, Cotabato, Mindanao.
Say pa ng singer na minsan lang sila nakakakain ng bigas dahil tanging kamote at nilagang saging lang ang nilalaman ng kanilang tiyan sa pang araw-araw.
Ani Elias TV : “Yung breakfast namin ni papa ‘nun ano lang saging, yung tanghalian namin ni Papa kamote, yun lang yung kinakain namin, yun ang buhay namin sa bukid. Naiiyak na ko, basta pamilya ang usapan hindi ko talaga kaya.”
Dito na humingi si Elias ng pagkakataon sa Panginoon na bigyan siya ng ilang buwan upang mai-ahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.
Wika niya : “Lord sana bigyan mo ‘ko kahit isang buwan lang, iahon mo ‘ko sa kahirapan, para mai-ahon ko ang papa ko at mga pamangkin ko sa kahirapan. Isang buwan lang hinihingi ko, pero grabe yung blessings na binigay ni Lord. Isang taon na, sobra. Napakaganda ng blessings na ’yun sa’kin.”
Marami naman sa mga netizens ang naiyak at naantig sa kwento na ito ni Elias, anila : “Walang impossible sa dasal lang palagi at tiwala sa kanya na balang Araw pakikingan Niya Ang Mga kahilingan natin.”
Dagdag pa ng isa : “Go lang idol kaya mo yan,. God. Bless you idol, basta wag k lng magbago, kong ano k non, hanggang wakas ganon kpa rin.”




