Iyak ng iyak si Diwata sa vlog ni Julius Babao matapos niyang ibahagi na malaki ang nalugi sa kanyang paresan bago ito tuluyang magsara.
Agad na nag-viral ang panayam na ito ni Deo Jarito Balbuena o mas kilalang Diwata dahil sa malungkot niyang rebelasyon na naloko at nalugi pala ang paresan branch niya sa Quezon City.
Hindi lingid sa marami na mabilis na sumikat si Diwata dahil sa negosyo niyang paresan sa Pasay City, bago mag-viral ang pares vendor ay nakilala na siya ng mga netizens dahil sa kanyang witty o nakakatuwang interview sa ABS-CBN.
Naging subject ng balita si Diwata matapos itong makipagbuno sa dati niyang kaibigan at nasaksak siya sa mukha dahil sa insidente.
Aniya : “Ang ganda-ganda ng mukha ko.. sinira mo?”
Matapos ang ilang taon, muling umingay ulit ang pangalan ni Diwata hindi dahil sa bago nitong isyu kundi dahil sa kanyang paresan sa Pasay City, dito na dinudumog ang negosyo ng pares vendor at tila naging mukha na siya ng social media.
Ani Diwata : “Ang dating binugbog, ngayon ay dinudumog..”
Dahil sa lakas at hindi matapos-tapos na pag-trending ni Diwata, dito na may lumapit sa kanya para maging business partners, pangako umano sa kanya ng mga ito na padadamihin ang kanyang branches nationwide.
Dito na natuloy ang pagpapatayo ng kanyang Quezon City branch na hindi rin nagtagal ay isinara dahil sa mga panahon na ito ay binabatikos na si Diwata dahil sa samu’t-saring isyu nito online; gaya na lamang sa viral clip ng isang netizen na nagpapa-bati sa pares vendor ng ‘happy birthday’ pero ang tanging sagot lang nito ay “Lilipas din ‘yan kuya..”.
Nagsimula nang humina at tumumal ang mga taong dumadayo kay Diwata dahil sa mga paninira sa kanya online, may mga videos nang pagsusungit niya sa mga fans, ayaw magpa-picture at sinisigawan niya ang mga vloggers.
Tungkol naman sa QC branch ni Diwata, ang ganda-ganda umano ng mga paliwanag sa kanya ng mga ito na wala siyang gagastusin dahil tanging gagamitin lang ang kanyang pangalan at wala siyang ilalabas na puhunan.
Ani Diwata : “Wala.. dahil ang ganda-ganda nga ng mga paliwanang nila na eexpand ang Diwata pares.. wala naman akong gagawin pangalan ko lang gagamitin.. ito ‘yung participant [ambag] mo.. tatanggap ka ng halimbawa 300,000 plus royalty fee so pumayag ngayon ako sa kagustuhan ko rin na makaahon sa kahirapan,
“Pero ang ending.. wala talaga akong napala.. ako pa ‘yung nautangan.. actually puro pangako nalang.. puro nasa meeting, nasa meeting.. nag-comply naman ako.. kahit nga mga gamit ko nasa kanila pa.. hindi ko alam kung saan talaga ang lugar nila kasi lumapit lang naman yan sa’kin noong kasagsagan ng trending ko.
“Hindi ko naman talaga napakinabangan.. ako pa ‘yung imbes na kumita ako pa po ‘yung na agrabyado sa bandang huli.. ang laki ng nalugi ko.. may babayaran pa ako na 300k (renta) tapos yung 300k pa na hiniram nila.” paliwanag ng pares vendor.
Matapos pala magsara ang Quezon City branch ni Diwata ay maraming iniwan na bayarin ang kanyang mga business partners at sa kanya ito pinababayaran gaya na lamang sa kuryente, renta at mga utility bills.