Mon Confiado spends a month fishing for ‘The Fisher’ film

Ibinahagi ng award-winning actor na si Mon Confiado ang tungkol sa matinding paghahanda na ginawa niya para sa pelikulang ‘The Fisher’.

Sa naturang pelikula ay gaganap si Mon bilang si Pedro na isang mangingisda.

How Mon Confiado prepared for his role as Pedro in The Fisher

Para maisabuhay at mas makatotohanan raw ang pagganap niya sa proyekto, isang buwan siyang sumama sa tunay na mga mangigisda at namuhay na kasama ang mga ito.

Ani Mon : “Isang buwan bago ang shooting, iniwan ko muna ang mundong nakasanayan ko upang makibahagi sa mundo ng mga mangingisda sa Norte. Namuhay akong kasama nila. Nakibagay sa kanilang pamumuhay. Nagpaitim. Nagpapayat. At higit sa lahat, sinikap kong unawain ang buhay na araw-araw nilang hinaharap – ang dagat, ang hanapbuhay, ang pagod, at ang pakikipagbuno sa buhay.”

Pagpapatuloy pa niya : “Hindi sapat na isuot ko lamang ang damit ni Pedro. Kailangan kong maramdaman, hangga’t kaya ko, ang mundong humubog sa pagkatao niya. Dahil para sa akin, ang pagganap ay hindi lamang pagsasabi ng mga linya o pagganap sa harap ng kamera. Ito ay isang proseso ng pag-unawa, pakikinig, at unti-unting pagpasok sa kamalayan ng isang taong ibang-iba sa sarili mo.”

Dagdag pa niya : “Bago ko siya ganapan, kailangan ko munang kilalanin ang mundo niya. Isang buwan ng paghahanda. Isang karakter na buong-puso kong niyakap. Ako si Mon Confiado. At ito ang naging paglalakbay ko patungo kay Pedro sa THE FISHER.”

Netizens praise Mon’s dedication to his role

Maraming netizens ang humanga sa ginawang ito ni Mon, may mga nagsasabing sana raw lahat ng mga artista ay gawin rin ang gaya nito para mas kapani-paniwala raw ang bawat mga eksena.

Ani ng netizen : “sana ganito lahat ng artista saten..minsan kapag nanunuod ka ng pelikulang pilipino ang hirap paniwalaan ng karakter lalo’t ang layo sa itsura ng karakter na ginaganapan nila..halimbawa mahirap na tricycle driver pero makikita mo gumaganap tisoy ang pogi..or tindera sa palengke ang bida at batak sa ulan at araw sa kalsada pero makikita mo gumaganap sexy star na tisay..”

“Malalaman mo talaga kung gaano kagaling yung artista kapag ineexperience nila mismo yung magiging role nila eh.”

Dagdag pa ng isa : “kudos!!! sana hindi to mawalan ng project, isa sa pinakamahusay na aktor hindi lang pang keme keme datingan kundi pang malakasan talaga.”