Usap-usapan online ang naging performance ng Pop Star Royalty na si Sarah Geronimo sa UAAP season 88 opening ceremony sa UST.
“Tama na!” ito ang sigaw ng Pop Icon na si Sarah dahil sa matinding korapsyon ngayon sa ating bansa, ang singer ang nanguna sa opening ceremony ng UAAP Season 88 sa University Of Santo Tomas noong Sept. 19.
Habang kumakanta kasi si Sarah ng kanyang 2013 hit song na ‘ikot-ikot’ sa stage, dito na niya isiningit ang kanyang pag-aalma dahil sa patuloy na panloloko na ginagawa ng mga politiko sa ating mga kapwa pilipino.
Ani Sarah : “Parang panloloko [lang] sa bansa natin, pinapaikot-ikot lang tayo, Tama na!”
Dito na ibinahagi ng singer ang baluktot na sistema sa ating bansa, may panawagan rin si Sarah para sa mga kabataan na nasa audience dahil para sa kanya, sila nalang ang kinabukasan at pag-asa ng ating bansa.

Say ng singer : “Hindi naman po lingid sa kaalaman natin [lahat] na napakaraming nangyayaring kaguluhuan, panloloko [korapsyon], ang ginagawa sa ating bansa,
“Let us all be reminded na kayo [tinuro ang mga audience], I don’t want to put the pressure on you, ang ating mga kabataan, kayo ang pag-asa ng ating bansa, ng ating bayan,
“One day, kayo ang magbabago ng bulok na sistema ng bansang ito.” dagdag pa ni Sarah G.
Hindi lingid sa marami na hanggang sa ngayon ay usap-usapan parin ang korapsyon ng flood control projects sa ating pamahalaan.
Marami na rin ang nasa posisyon ang mga nadamay at nasali sa listahan na inilabas ng mga kontratista na kung saan kumuha diumano ng kickback o malaking pera mula sa budget ng mga proyekto.
Isa ang senador na si Jinggoy Estrada ang itinuro ni former Bulacan 1st district Assistant Engr. Brice Hernandez na tumanggap diumano ng malaking halaga na nagmula sa flood control projects para sa Bulacan.
Kaya ang ending, halos lahat ng mga proyekto sa flood control ay substandard ang mga materyales o di kaya nama’y ghost projects, mga proyekto na ‘marked as completed’ na sa records pero noong pinuntahan ay hindi mahanap o hindi talaga ginawa.
Nadawit rin ang aktor at congressman na si Arjo Atayde, dahil isa rin diumano ito sa tumanggap ng kickback na mula sa mga kontratista, agad naman na nagsalita ang asawa nitong si Maine Mendoza at pinabulananan ang mga alegasyon na ito sa kanyang asawa.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, umaabot sa P2 trilyon na ang nagastos para lang sa mga flood control projects na ito sa loob ng 15 years, ngunit ang mahigit kalahati umano ng buong budget ay napunta lang sa bulsa ng mga politiko at ng mga kontratistang korap.