Claudine Barretto at Milano Sanchez, hiwalay na.

Hiwalay na agad sina Claudine Barretto at Milano Sanchez.

Hindi na umabot ng Pasko ang relasyon ni Claudine Barretto sa kapatid ni Korina Sanchez na si Milano dahil diumano sa isang kasambahay.

Hindi lingid sa marami na nakaraang buwan lang ay naging usap-usapan ang relasyon nilang dalawa matapos nagbahagi ng isang open letter si Milano sa kanyang social media account.

Ani Milano, nakikita niya raw si Claudine bilang isang ‘Queen’ na laging nasa kanyang tabi sa mga oras na kailangan niya ng karamay sa buhay.

Bahagi ng pahayag ni Milano : “I just started to recover from that nightmare!”

Dagdag pa niya : “To CB [Claudine Barretto], Thank you! I am very lucky to have someone on my side, like you. I must say, I’m very honored to be defended by a queen!”

Ilang beses rin silang namataan na magkasama at makikita rin ang mga larawan nila together sa kani-kanilang mga social media accounts, ngunit ayon sa mga ulat, marami umanong kumukontra sa relasyon nilang dalawa.

Chika ni Cristy Fermin : “Nu’ng magsimula po ang kuwento nina Milano Sanchez at Claudine Barretto ay nadaot na agad, ang dami ng kumontra.”

Ayon kay Nanay Cristy, tuluyan nang naghiwalay sina Claudine at Milano dahil sa isang kasambahay na pinagsi-sigawan ng aktres dahil ito raw ay nagkamali.

Ang kasambahay na ito raw ay matagal nang naninilbihan sa kapatid ni Korina, nag-krus raw ang landas ng kasambahay at ni Claudine dahil lumipat na ang aktres sa bahay mismo ni Milano.

Pagbabahagi ni Cristy : “Lumipat pala si Claudine at ‘yung anak niyang si Noah [adopted son] sa bahay ni Milano, may dala-dala raw mga maleta, nagdala ng mga damit.”

Dito na ibinahagi ng veteran columnist na nagkamali raw ang kasambahay kaya nagawang sigawan ni Claudine na hindi nagustuhan ni Milano.

Chika ni Cristy : “May naganap siguro sa isang pagkakataon may nagawang pagkakamali ang isang kasambahay ni Milano.

“Ang kasambahay pong ito ay matagal na nilang kasama, si Ms. Korina Sanchez po ang nag-assign ng kasambahay sa bahay ni Milano, ibig sabihin ay talagang matagal na sa kanila [at] may pagkakamali raw na nagawa ‘yung kasambahay.

“Pinagsisigawan daw ni Claudine talagang galit na galit, sigaw kung sigaw daw ang ginawa [ni Claudine]. Ngayon si Milano nang makita ang pangyayari, kinampihan ‘yung kasambahay natural di ba?”

Dagdag ni Cristy : “Kaya ang sabi ni Claudine, ‘ah ganu’n, so, kinakampihan mo ‘yung kasambahay hiwalay na tayo.”