Boyfriend ni Gina Lima na si Ivan Cezar Ronquillo, pumanaw na.

Ivan Cezar Ronquillo, ang boyfriend ng pumanaw na Vivamax artist na si Gina Lima, natagpuang walang buhay.

Doble-trahedya ang bumalot sa pagkamatay ng Vivamax actress na si Gina Lima matapos namang matagpuang patay ang kanyang nobyo, ang 24-anyos na si Ivan Cezar Ronquillo, tatlong araw lang ang nakalipas mula nang pumanaw ang dalaga.

Kinumpirma ni La Loma Quezon City Police District Station Commander Lt. Col. Jose Luis Aguirre nitong Miyerkules, November 19, na nag-ugat ang pagkamatay ni Ivan sa self-inflicted harm sa loob mismo ng condo unit kung saan unang natagpuan si Gina noong Linggo, November 16.

Ayon sa ulat, isinugod pa si Ivan sa Quezon City General Hospital, ngunit idineklara na itong wala nang buhay.

Samantala, malakas ang espekulasyon ng publiko na posibleng ang masakit na pagkawala na pinalala pa ng maling akusasyon at malalang pambabash sa social media ang nagtulak kay Ivan na tapusin ang kanyang buhay.

Matatandaang mabilis na kumalat ang balita na umano’y binugbog ni Ivan si Gina na naging sanhi sa pagkamatay nito.

Ilang oras bago siya pumanaw, ni-reactivate ni Ivan ang kanyang Facebook account, na dati niyang ni-deactivate dahil sa akusasyon. 

Dito, nag-iwan siya ng mga larawan at video ng kanilang maliligayang sandali ni Gina, kalakip ang isang nakakapanlumo na mensahe.

Aniya : “Mahal na mahal kita gina… hinding hindi ko kaya na wala ka sa tabi ko at hinding hindi ko kaya mabuhay ng wala ka… hayaan mo susunod ako sayo at makakasama nakita.”

Samantala, mariing pinabulaanan ng pulisya ang alegasyon na pambubugbog ang dahilan ng pagkamatay ni Gina.

Nauna nang nilinaw ni PLTCOL Edison Ouano, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, na walang nakitang senyales ng strangulation o pasa na nagpapahiwatig ng pambubugbog sa katawan ni Gina.

Dagdag pa nila, “cardiorespiratory distress” ang lumitaw na paunang dahilan ng pagkamatay ni Gina. Bukod dito, may nakita rin umano silang ebidensya ng posibleng droga sa condo unit.

Pinatunayan din ito ng resulta ng inisyal  na autopsy na isinagawa kay Gina kung saan lumabas na hindi nakakamatay ang mga pasa na nakita sa katawan ng dalaga.

Sa kabilang banda, ang nakita namang kalmot sa mukha ni Ivan na unang pinagbasehan ng mga akusasyon ay mula sa mga kaibigan ni Gina na sumugod sa ospital matapos nilang malaman ang balita. 

Ang kalmot na ito ay idinetalye rin ni Ivan sa kanyang huling Facebook post, partikular na binabanggit ang isang Kevin Tan na nagpakalat umano ng maling impormasyon.

Ang huling post ni Ivan, “Kay kevin tan yg maraming salamat sa ginawa mo sa mukha… justice narin bahala sayo at maraming salamat sa pag kalat maling impormasyon.”

Samantala, sa social media ay bumaha ang mga komento kung saan pinapaalalahanan ang lahat sa epekto ng maling impormasyon, kasunod ng nangyari kay Ivan.